Choosy Beggars

As the saying goes "Beggars can't be choosers" I'd like to share some incidents that happened in my store in the past.

Dala na rin marahil ng kahirapan sa buhay hindi mo maiiwasang magkaroon ng mga pulubing namamalimos sa tindahan ko. Kadalasan, ang mga napapadaan ay mga matatanda. Kagaya na lang noong isang araw, may isang matandang lalaki na humihingi ng tulong. Siya raw ay maysakit at ipinapakita sa akin ang reseta ng kanyang doktor. Nagkataon namang may tinda ako ng mga gamot na kakailanganin nya [hindi ko na babanggitin ang pangalan ng mga ito]. Binigyan ko sya ng ilang piraso ng mga ito pero ayaw nyang tanggapin. Sabi nya mas kailangan daw niya ang pera, ang sabi ko naman pasensya na po kayo pero ito lamang po ang kaya kong ibigay. Tinatanggihan nya ang tulong ko, pero nang mapagpaliwanagan ko sya na wala akong pera at iyon din naman ang mga gamot na kailangan niya, bandang huli, tinanggap rin nya.

Noong minsan naman may isang mama na napadaan. Malaking lalaki at malaki rin ang pangangatawan, may iniabot na sulat na nagsasabing pahingi ng tulong at kalalaya nya lang daw nya mula sa Muntinlupa. Inabutan ko ng bente pesos. Nagpasalamat naman at saka umalis. Makalipas ang 2 araw, aba! at bumalik na naman. Iniabot muli ang sulat sa akin, parehong sulat huh. Hindi na ako nakatiis... sinabi kong hindi ba ikaw rin yung galing dito nuong isang araw at hindi ba binigyan na kita? Nagdeny pa! hindi daw sya yun.

Ilang buwan na ang nakakalipas may isang matandang babae naman na namalimos sa tindahan. Marami pang pasakalye, nagtanung-tanong pa kung magkakano ang presyo ng mga paninda ko. Nung hindi na makatiis, nagsabi rin na pahingi daw ng kaunting tulong. Naisip kong bigyan ng ilang pirasong tinapay. Ayaw nyang kunin, isinasauli sa akin at sabay turo sa 1/2 gallon ng ice cream na tinda ko. Iyon daw ang gusto nya.

May isang beses pa, matandang lalaki ulit. Binibigyan ko ng tinapay pero ayaw tanggapin. Hindi daw sya nagugutom kaya pera na lang daw ang ibigay ko. Sabi ko wala po akong pera, kung hindi po kayo gutom, ibaon nyo na lang po ang tinapay at kainin nyo pag nagutom kayo. Akalain mo bang irapan ako! Inilapag ang tinapay at sabay talikod sa akin.

Mayron pa, eto suki ko na talaga. Hindi ko naman masabing pulubi ito dahil dyaryo at bote ang hanapbuhay nya. Araw-araw dumadaan ito sa kalye namin. Minsan nanghingi ng tinapay, sabi ko naman sa sarili ko sige bigyan ko nga, at least nagsasabi sya na nagugutom sya kaysa naman magnakaw hindi ba. Isa, dalawa, talo, apat, limang beses na nabigyan ko, aba! at ginanahan na ata. Iniisip nya ata na may lifetime supply na sya ng tinapay sa akin.

At eto pa ang isang 'suki', si Eddie Boy, isang binatang sintu-sinto. Tuwing dadaan sa kalye namin sa akin lagi ang punta nya. Mabait naman ang batang ito at talaga naman pong nakaka-awa kaya kahit madalas ay palagi kong binibigyan. Tinapay lang naman ang gusto nya, pero susubukan ka rin nya. Ituturo nya ang mga mamahalin, pero pag sinabi mong huwag yan ha, ito na lang. Ngingitian ka pa at sasagot ng opo. Kulang man sa pag-iisip pero mas mukhang nakakaintindi pa sya kaysa sa iba.

Maraming insidente na kadalasan ay namimili pa ang mga nanghihingi at namamalimos, kung minsan nakakainis na nga. Gustuhin ko mang tulungan sila sa abot ng aking makakaya, pero hindi nila ma-appreciate ang tulong na ibinibigay mo. Ipinagpapasalamat ko rin at iniisip na mabuti na ako ang nagbibigay ng tulong kaysa ako naman ang manghingi ng tulong at mamalimos. Subalit, mayroon din namang mangilan-ngilan na ipinagpapasalamat ang kung ano mang kaya kong itulong at ibigay sa kanila. Tumataba naman ang puso ko sa mga ganitong pagkakataon.

No comments:

Powered by Blogger.